Friday, April 25, 2008

L.P. #4: Hugis ay Parihaba

Araw na naman nang Huwebes (naku, Biyernes na ngayon...)! Narito ang ilang larawang kuha ko gamit ang aking Sony Cybershot digicam, halos tatlong taon na ang nakalilipas. Tulad nang mga nakaraan kong lahok sa Litratong Pinoy, hayaan ninyong ipasyal ko kayong muli sa ilang lugar na nabisita ko sa iba't-ibang lugar sa Estados Unidos noong 2005. Tayo nang maglakbay! :)

Ang 'air traffic control center' na ito sa McEntire Air National Guard Station sa South Carolina ay kinunan ko matapos naming akyatin at bisitahin ang napakatayog na istrakturang ito. Sa tuktok nito ay nakita ko ang teknolohiyang gamit nila sa pagko-kontrol at pagbibigay direksyon sa iba't ibang 'military planes/jets.' Nakakaaliw rin ang ilang beses na pagde-demonstrasyon nang ilan sa mga jets na ito sa paligid nitong paliparan hanggang sila'y magpaimbulog sa himpapawid. Nakabibighani ang ganda nang mga ulap, ano?

Matapos ang apat na linggong pagpasok sa Walker Institute ng University of South Carolina, ang aming grupo ay nagtungo naman sa Los Angeles, California. Doon sa Santa Monica ay namalagi kami nang apat na araw. Isa sa aming mga field exposure trips ay ang pagbisita sa siyudad nang LA sa pamamagitan nang isang bus tour. Ang establisamentong ito ay napagkatuwaan kong kunan nang litrato habang sakay nang aming umaandar na bus. Hehe... Hindi ba't sinasabing sa pelikulang ito ('Mr. & Mrs. Smith') umusbong ang pagmamahalan nila Angelina Jolie at Brad Pitt?!

Matapos ang apat na araw na pagbisita sa California, tinawid naming muli ang Amerika. Ngayon naman, ang aming destinasyon ay matatagpuan sa Hilagang Silangan nang bansang ito. Pamilyar naman siguro sa inyo ang larawang ito na matatagpuan sa Washington, DC. Sinasabing kabilang sa National Mall nang lungsod na ito, ang Washington Monument ay sumisimbolo sa pagiging 'Ama ng kanyang Bansa' nang kauna-unahang Presidente nang Estados Unidos na si George Washington. Sinasabing ang monumentong ito ay nagbibigay-pugay sa pagiging isang magiting na pinuno ni Washington para sa pagkamit nang independensya nang Amerika. Kinunan ko ang larawang ito mula sa isa sa mga hagdan nang Lincoln Memorial. Sana sa susunod na makapunta ako sa lugar na ito ay maakyat ko naman ang matayog na monumentong ito. Sinasabing mula sa tuktok nito ay makikita mo ang napakagandang tanawin hindi lamang nang buong National Mall kundi lalong-lalo na nang Capitol.

Ang huling lugar na aming pinuntahan sa loob nang anim na linggong iskolarsyip sa pag-aaral nang 'Ugnayang Panglabas nang Amerika' (US Foreign Policy) ay ang siyudad nang New York. Pagkatapos nang isang linggong pamamalagi sa Washington, DC, ang aming grupo ay nagtungo sa NY sa pamamagitan nang halos anim na oras na byahe sa bus. Matapos mag-check-in sa Grand Hyatt New York Hotel (nakks, ang sarap at lambot nang kama namin dito!), ang aming grupo ay tumulak na papuntang Circle Line Harbor Tour para sa aming tour ng New York skyline at iba pang karatig pook tulad nang Statue of Liberty, Brooklyn Bridge, atbp. Malamang ay nakikilala ninyo ang pahabang gusali na talaga namang prominenteng-prominente sa larawan kong ito. Walang iba kundi ang Empire State Building! Sinubukan ko itong akyatin mag-isa matapos ang aming harbor tour ngunit sa kasamaang-palad ay di na sila nagpapapasok dahil punum-puno na raw ang itaas nito (ganap na ika-sampu nang gabi nang makarating ako dito... syempre puro lakad lang mula sa pier hanggang dito at pagkatapos ay pabalik ng hotel). Muli, ipinangako ko sa aking sarili na sisiguraduhin ko ang pag-akyat sa napaka-pamosong gusaling ito sa susunod na pagkakataong makabalik ako sa NY. Itaga ninyo iyan sa bato! Hehe.

Muli sa NY pa rin... ang lugar na ito ay kuha ko sa tinaguriang 'Financial District' nang siyudad ~ ang Wall Street. Mapapansing talaga namang halos dikit-dikit (hmm, 'wall to wall' nga eh, di ba?) talaga ang mga gusali rito gayundin ang mga kalye. Malapit sa kinunan kong mga gusali na ito ang New York Stock Exchange (NYSE). Hindi ko lamang sigurado kung ang gusali sa bandang kanan nang larawan ay ang mismong gilid na nang gusaling NYSE. :-)
* * * * *

Oooppsss! Pahabol po.... Ang dalawang sumusunod na larawan ay kuha ko naman noong isang taon sa ating Lupang Hinirang, sa bandang Kabikulan. :-) Kasama ang aking ina, kaklase noong elementarya, at isang kaibigan na naka-destino sa Bicol, kami ay nag-overnight at nag-relaks sa CamSur Water Sports Complex (CWC). Dito ay nasubukan kong mag-kneeboarding, ang paunang pagsasanay bago subukan ang pagwe-wakeboarding. Haaay, nais ko ring balikan ang lugar na ito! Nakaka-adik ang isport na ito at bigyan lamang nang mahaba-habang panahon at pagsasanay ay matututunan ko rin ang pagwe-wakeboarding! Kaya naman, babalik rin ako rito.... sama kayo? :-D



Hanggang sa susunod na Huwebes! Maligayang LP sa inyong lahat!

8 Comments:

Anonymous Anonymous said...

Pinakagusto ko ang kuha ng "The Pencil" sa Washington DC dahil may "reflection" pa sa tubig.

Magandang Biyernes!

4/25/08, 10:09 PM  
Anonymous Anonymous said...

wow ang dami mong napuntahan, at lahat ito ay magaganda ang pagkakuha mo at memorable..

happy weekend

4/26/08, 7:40 AM  
Anonymous Anonymous said...

Lahat ng larawan mo ay napakaganda, salamat sa pamamasyal...pakiramdam ko tuloy kasama mo akong naglilibot..at ikaw ang tourist guide :)

4/26/08, 1:31 PM  
Anonymous Anonymous said...

Mukhang marami kayong naglahok ng NY! Ang pinakagusto kong litrato mo ay yung magkakadikit na gulsali sa Wall Street. Iba talaga ang mga high rise sa Estados Unidos no?

4/26/08, 8:56 PM  
Anonymous Anonymous said...

ang sarap naman ng ginawa nyo. i really like travelling :)

4/27/08, 8:31 AM  
Blogger fortuitous faery said...

ang gaganda ng mga koleksyon mo ng litratong "pahaba"! :)

4/28/08, 9:00 AM  
Blogger Dyes said...

ang gaganda naman ng kuha mo :)

4/28/08, 2:37 PM  
Blogger Dragon Lady said...

maraming salamat po sa lahat sa inyong pagbisita! :)

@ pinky, oo nga, may reflection sya sa tubig... siguro nga mas maganda yung kuha kung mataas sana yungn sikat nang araw. magandang miyerkules naman sa iyo!

@ rose, salamat sa iyong komento. tumpak ka na talagang memorable ang mga lugar sa aking mga larawan!

@ nona, hahaha! natuwa naman ako dun sa komento mo. hanggang sa susunod na pamamasyal!

@ leapsphotoalbum, paborito ko rin po iyong larawan sa wall street! grabe sa pagkakadikit-dikit ang mga hugis parihaba na gusali, ano?

@ korky, AMEN to that!

@ fortuitous fairy, maraming salamat sa papuri! hanggang sa mga susunod na huwebes!

@ dyes, salamat sis! btw, certified alipin na rin po ako mula noong nakaraang linggo. :)

4/30/08, 1:00 AM  

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home