L.P. #4: Hugis ay Parihaba
Ang 'air traffic control center' na ito sa McEntire Air National Guard Station sa South Carolina ay kinunan ko matapos naming akyatin at bisitahin ang napakatayog na istrakturang ito. Sa tuktok nito ay nakita ko ang teknolohiyang gamit nila sa pagko-kontrol at pagbibigay direksyon sa iba't ibang 'military planes/jets.' Nakakaaliw rin ang ilang beses na pagde-demonstrasyon nang ilan sa mga jets na ito sa paligid nitong paliparan hanggang sila'y magpaimbulog sa himpapawid. Nakabibighani ang ganda nang mga ulap, ano?
Muli sa NY pa rin... ang lugar na ito ay kuha ko sa tinaguriang 'Financial District' nang siyudad ~ ang Wall Street. Mapapansing talaga namang halos dikit-dikit (hmm, 'wall to wall' nga eh, di ba?) talaga ang mga gusali rito gayundin ang mga kalye. Malapit sa kinunan kong mga gusali na ito ang New York Stock Exchange (NYSE). Hindi ko lamang sigurado kung ang gusali sa bandang kanan nang larawan ay ang mismong gilid na nang gusaling NYSE. :-)
Oooppsss! Pahabol po.... Ang dalawang sumusunod na larawan ay kuha ko naman noong isang taon sa ating Lupang Hinirang, sa bandang Kabikulan. :-) Kasama ang aking ina, kaklase noong elementarya, at isang kaibigan na naka-destino sa Bicol, kami ay nag-overnight at nag-relaks sa CamSur Water Sports Complex (CWC). Dito ay nasubukan kong mag-kneeboarding, ang paunang pagsasanay bago subukan ang pagwe-wakeboarding. Haaay, nais ko ring balikan ang lugar na ito! Nakaka-adik ang isport na ito at bigyan lamang nang mahaba-habang panahon at pagsasanay ay matututunan ko rin ang pagwe-wakeboarding! Kaya naman, babalik rin ako rito.... sama kayo? :-D