Isang maalab na Huwebes sa inyong lahat! :D
Narito ang aking mga lahok sa linggong ito nang Litratong Pinoy. Mula pa noong isang linggo, iniisip ko na kung ano ang maaari kong kunan nang litrato na nagpapahiwatig sa tema ngayong Huwebes, "umaapoy."
Napagdiskitahan ko tuloy ang aming gas range sa bahay at pagkauwing-pagkauwi naming mag-asawa kagabi, ay nagpainit na kami nang tubig sa takure. Inihahanda na rin namin ang aming mainit na tubig para sa kape sa kinaumagahan... Ang apat na sumusunod na larawan ay mga kuha ko gamit ang aking 'maaasahang' camera phone. ;)
Medyo bagong bukas pa ang kalan....
Ipinihit ko sa pinakamalakas na apoy at kinunan ito nang malapitan :)
Hayan... mayroon nang nakapatong dito sa umaapoy na kalan! Ano nga ito?!
Tyaaa-raaaan!!! Walang iba kundi ang aming mahal na takure
na iniregalo sa amin noong aming kasal! :D
Matapos kunan ang mga ito at ma-download ang mga litrato mula sa aking cellphone, bigla kong naalala ang mga "luma" kong litrato na nagpapahiwatig din nang apoy.... Dali-dali kong hinalukay ang mga files sa aking My Pictures folder at sa wakas, nakita ang ilang litratong kuha ko noong isang taon (2007) sa Clark, Angeles, Pampanga.
Ang pagdiriwang na ito ay walang iba kundi ang Hot Air Balloon Festival na ginaganap tuwing Pebrero sa Clark Air Base. Kung hindi ako nagkakamali, pang-sampung taon na nang pagdaraos nito noong masaksihan namin noong nakaraang taon. :)
Narito ang ilang piling kuha gamit naman ang aking Sony cybershot digital camera....Tuwang-tuwa ako nang ma-timing-an ko ang pagbuga nang apoy mula sa pinaka-base nang nakadipa pang "balloon' na ito.... kaya pala tinatawag talaga itong 'hot air balloon'.... mainit na apoy ang binubuga upang "malagyan" nang hangin ang malaking lobong ito. :D
Heto pa ang isa kung saan kitang-kita at saktong nakuhanan ko ang malakas na pagliyab nang apoy mula sa mala-basket na base nang hot air balloon. Marami sila na nagtutulong-tulong upang malagyan nang hangin at tuluyang maitayo (at nang lumaon ay mapalipad o mapaangat man lang) ang mga hot air balloon na tulad nito. Bagaman tigil-apoy muna sa larawang ito, nais ko lamang ipakita na medyo lumobo na at nalagyan na nang mainit na hangin ang loob nitong makulay na 'lobo.' Nakakaaliw, hindi ba? At siyempre pa, narito ang isa sa mga ganap nang hot air balloon! :DInyong mapapansin na patuloy ang pagbuga nang apoy sa loob nito... ito ay para na rin mapanatili ang korte nang naturang 'lobo.' Kuha ko ito nang kinagabihan na at kasalukuyang ginaganap ang tinaguriang "Lights and Sounds Show" na sinasabing pinakatampok sa piyestang ito. Ayos ba ang napili kong huling larawan para sa lahok ko ngayong Huwebes sa LP?
Tunay na isang Tatak Pinoy rin ito, hindi ba? Hangad ko na tayong mga mamamayang Pilipino ay patuloy na magkaroon nang nag-aalab na pagmamahal sa ating dakilang bayan.... ang Republika ng Pilipinas!
Mabuhay tayong lahat!